MANILA, Philippines — Sa selda ang bagsak ng isang walang galang na Chinese student matapos nitong ‘di respetuhin at tapunan pa ng taho ang isang naka-unipormeng pulis habang ipinapaliwanag nito kung bakit hindi siya maaaring magpasok ng taho sa istasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Mandaluyong City kahapon.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), dakong alas-8:30 ng umaga nang arestuhin ang pasaherong si Jialz Zhang, 42, isang Chinese national, at estudyante ng School of Fashion at Sofa Design Institute sa Boni Station sa Mandaluyong City.
Nabatid na papasakay na sana si Zhang sa tren ng MRT-3 sa Boni Station nang pagsabihan ng security personnel na kailangang ubusin muna nito ang iniinom na taho bago papasukin sa istasyon.
Nagmatigas naman umano ang babae at nagpupumilit na pumasok sa istasyon ng tren dala ang kanyang taho.
Dito na tinawag ng mga security personnel si PO1 William Cristobal upang siyang magpaliwanag kay Zhang sa polisiya na ipinatutupad ng MRT-3.
Habang pinapaliwanagan naman ng pulis ang pasahero ay bigla na lang umano nitong itinapon sa pulis ang kanyang iniinom na taho.
Kaagad namang inaresto at binitbit ang babae sa Mandaluyong City Police Station at kinasuhan ng Disobedience to agent of person in authority at direct assault.