MANILA, Philippines — Nagpahiwatig ang Palasyo na mas kinakatigan nito ang ipinasang draft federal constitution ng Consultative Committee (ConCom) kaysa ipinasang draft ng House of Representatives.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, umaasa sila na makikinig ang Kongreso sa sinabi ni dating Chief Justice Reynato Puno at ikonsidera ang draft na binuo ng Concom.
“Well, I hope Congress should listen to former Chief Justice Reynato Puno and open themselves for amendments, they should reconsider,” sabi ni Panelo.
Nauna rito, ipinasa ng House of Repsentatives ang sariling bersiyon ng draft federal constitution na agad binatikos at tinawag ni Puno na “disaster” sa demokrasya.
Sa bersiyon ng Kamara, magkakaroon ng extension ang termino ng mga mambabatas at tinanggal din ang probisyon na magbabawal sa political dynasties.
Nauna nang nagbabala si Panelo na posibleng mismong ang mga mamamayan ang hindi tumanggap sa panukalang pag-amiyenda sa Konstitusyon dahil sa mga kuwestiyunableng probisyon na malayo sa ipinasa ng ConCom.
Sinabi rin ni Panelo na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na ikakampanya niya na hindi mapagtibay ang bagong Konstitusyon kung hindi ito naayon sa interes ng mga mamamayan.