Taguba ililipat sa kustodiya ng PNP

Una nang inutos ng korte na sa Manila City Jail ikulong si Taguba subalit naghain ito ng motion bunsod ng banta sa seguridad nito kung kaya’t sa katatapos na pagdinig pinayagan ni Manila RTC  Judge Rainelda  Estacio-Montesa ng Branch 46 na mai­lipat si Taguba ng piitan. File

MANILA, Philippines — Upang mas matiyak ang seguridad ni Customs broker Mark Ruben Taguba II, ililipat na ito ng Manila Regional Trial Court sa pangangalaga ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

Una nang inutos ng korte na sa Manila City Jail ikulong si Taguba subalit naghain ito ng motion bunsod ng banta sa seguridad nito kung kaya’t sa katatapos na pagdinig pinayagan ni Manila RTC  Judge Rainelda  Estacio-Montesa ng Branch 46 na mai­lipat si Taguba ng piitan.

Hindi rin naisalang sa pagbasa ng sakdal kanina si Taguba at ang negosyanteng si Eirene Mae Tatad ngunit muling itinakda ang kanilang arraignment sa Abril 6.

Nabatid din na mayroong nakabinbing motion to quash ang dalawa  na naglalayong ibasura ang kinakaharap nilang kaso.

Si Tatad, na dinakip ng mga otoridad ay nakukulong sa Manila City Jail  dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sina Taguba at Tatad ay kabilang sa mga akusado sa kontrobersiyal na P6.4-B shabu shipment sa Bureau of Customs na galing sa China. -Doris Franche-Borja-

Show comments