MANILA, Philippines — Lumusot sa Kongreso ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapalawig pa ng martial law sa Mindanao matapos makakuha ng boto mula sa 240 mambabatas.
Dalawampu’t tatlong mambabatas sa Kamara at 4 na senador lamang ang kumontra sa panukalang extension.
Nakatakda na sanang magwakas ang martial law sa Mindanao ngayong Disyembre 31, 2017 dahil na rin idineklara nang malaya mula sa teroristang grupo ang Marawi.
Matatandaang ang sigalot sa Marawi ang dahilan kung bakit nagdeklara ng martial law si Duterte noong Mayo 24 sa kalagitnaan ng kaniyang pagbisita sa Russia.
Sa sulat niya sa Kongreso, sinabi ni Duterte na nais niyang manatili ang martial law sa Mindanao hanggang Disyembre 31, 2018 upang puksain ang nakaambang banta ng mga aktibong terorista gaya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at New People’s Army.
Ito na ang ikalawang extension ng martial law sa Mindanao.
Matatandaan na noong Hulyo 22 nang magkaroon ng special session ang kongreso para pagbigyan ang extension ng Martial hanggang Disyembre 31 matapos ang 60-day period na idineklara ni Pangulong Duterte noong Marso 23 matapos ang pag-atake ng teroristang Maute sa Marawi City.
Bagama’t kinuwestyon ng ibang hindi pabor sa martial law na Senador at kongresista ang haba ng extension ito naman ay ipinagtanggol ng ilang Mindanaoan solon.
Ayon kay Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimpaoro na iba ang sitwasyon sa kanilang lalawigan noong unang nagdeklara ng martial law dahil sa ngayon ay nararamdaman nila na ligtas sila dahil sa presensya ng Armed Forces of the Philippines sa mga lugar sa Mindanao.