MANILA, Philippines - Sa gitna na rin ng planong pagsusulong ni incoming President Rodrigo Duterte na muling ipagpatuloy ang peace talks sa sa hanay ng CPP-New People’s Army (CPP-NPA) ay sinalakay ng nasa 40-60 miyembro ng rebeldeng NPA ang isang police station kamakalawa ng gabi sa bayan ng Governor Generoso, Davao Oriental at dinukot ang dalawang pulis kabilang ang hepe at isang sibilyan.
Batay sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 11 Director P/Chief Supt. Manuel Gaerlan, bandang alas-8:00 ng gabi nang sumalakay ang mga rebelde sa Governor Generoso Police Station at binihag ang hepe ng nasabing himpilan na si Chief Inspector Arnold Ongachen, babaeng pulis at isa pang babaeng sibilyan na ginamit nilang ‘human shield’ sa pagtakas.
Sinabi naman ni Supt. Antonio Ibot, Spokesman ng Davao Oriental Police, kahit nakararami ang mga kalaban ay lumaban sina Ongachen na ang palitan ng putok ay tumagal ng hanggang alas-10:00 ng gabi.
Nabatid na nasorpresa ang police station sa biglang pag-atake ng NPA rebels na lulan ng Elf truck at dalawang pick-up na agad pinaputukan ang himpilan na nauwi sa palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Sa palitan ng putok ay nasugatan ang isang pulis na si PO3 Johnray Cinco habang nawawala naman ang isa pang pulis na si PO2 Edmund Garrido.
Tinangay ng mga rebelde ang anim na shotguns, anim na M16 rifles, isang M14 rifle, dalawang caliber 9 MM pistols, tatlong hindi pa natukoy na armas at isa pang narekober na shotgun.
Tuluyan ding binihag ng mga rebelde ang nasabing hepe, isang babaeng pulis at isang sibilyan na kinaladkad nila sa pagtakas patungo sa direksyon ng kagubatan ng Brgy. Luzon sa nasabing bayan.
Tinutugis na ng tropa ng mga sundalo ang grupo ng mga rebelde upang iligtas ang bihag na hepe at dalawang iba pa.