MANILA, Philippines – “Kontra ako dun...pinaninindigan ko ang mga komite report ng mga kasama nating senador,”.
Ito ang inihayag ni Senator Grace Poe sa isang panayam sa radyo na muling buksan ang imbestigasyon ng Mamasapano incident dahil ang 21 senators ay nakapirma na sa report ng Committee on Public Order.
“Hanggat walang ebidensiya na magpapatunay na iba ang nangyari hindi namin papalitan ang komite report,”dagdag pa ni Poe na siyang chairman ng komite at humawak sa imbestigasyon ng Mamasapano.
Nakahanda naman si Poe na tanungin ang Malacañang tungkol sa bersyon ng alternative truth sa insidente sa Mamasapano at maging si dating Special Action Force chief Director Getulio Napeñas ay may sasabihin umanong bago.
Nagtataka umano si Poe kay Napeñas kung bakit hindi nito binanggit sa hearing ang mga itinago nitong impormasyon para mapalitan ang komite report kaya mayroon itong kasalanan dahil itinago niya ang impormasyon.
Magugunita na sinabi ni Napeñas na pabor siya na buksan muli ang Senate inquiry ng Mamasapano incident na may 60 katao ang nasawi noong 2015 kabilang ang 44 SAF members.
“I welcome it. Maganda ‘yan para lumabas kung ano pa ang facts na hindi pa lumalabas,” wika ni Napeñas, na tumatakbo bilang senador sa ilalim ng UNA.
Nauna nang binatikos ni Napeñas si Poe na umano ay pinahinto siya para sabihin ang mga iba pang detalye sa operasyon para arestuhin ang international terrorist na si Marwan at Filipino bomb-maker Basit Usman.
“There were times na nagsasalita ako, kina-cut ako kung mapupunta sa isang conclusion, sa isang impormasyon na sinasabi ko especially nung pinakahuling mga araw,” pagwawakas ni Napeñas.