MANILA, Philippines – Hindi umano nakayanan ng isang 31-anyos na seaman ng isang international shipping lines ang depresyon nang ito ay magbigti matapos sibakin ng kapitan ng barko at pabalikin sa Pilipinas kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si John Gregg Elejan, binata, oiler crew, tubong Guimaras, Iloilo City at pansamantalang nanuluyan sa Status Maritime Corporation na matatagpuan sa no.1802 San Marcelino, panulukan ng J. Nakpil St., Malate, Maynila.
Batay sa ulat,alas-3:10 ng hapon nang madiskubre ang biktima na nakabigti sa water hose sa ilalim ng fire exit ng gusali ng Status Maritime Corporation.
Sa salaysay nina maritime cadet Rex Barcebal, 24 at Michael Bugna, security guard ng gusali na sila ay nagulat nang makitang nakabitin ang biktima kaya pinagtulungang alisin sa pagkakabigti at isinailalim sa cardio pulmonary resuscitation (CPR).
Nagkaroon ito ng mahinang pulso kaya isinugod sa Philippine General Hospital (PGH), subalit idineklarang dead on arrival.
Batay sa dokumentong nakuha kaugnay sa biktima, siya ay sinibak sa pagiging oiler ng barko dahil sa mga paglabag kabilang ang “bad behavior,bad performance, not following instructions at negligence of duties and responsibilities tulad ng pag-abandona sa engine room ng walang inabisuhang crew at ang pagsasalita umano nito na may papatayin siya.
Nakasaad din sa nilagdaang dokumento ni Capt. Ricardo Acedo na dahil sa mga paglabag at mga warning laban sa biktima ay uuwi ito sa bansa kahit hindi pa tapos ang kontrata at siya mismo ang babalikat ng gastusin dahil sa hindi natapos na kontrata.
“Hindi lang yung pagkaka-repatriate ang dahilan kung bakit siya nagbigti, ayon sa agency kasi balisa siya tapos yung ikinikilos niya na kakaiba at nagsasalita pa raw na may papatayin siya habang nasa barko kaya ipinadeport na lang. Kadarating lang niya mismo at nag-stay lang sandali sa agency nang magbigti,” ani PO3 Layugan.