MANILA, Philippines - Sa pag-endorso ngayong araw kay Interior Secretary Mar Roxas bilang standard bearer ng Liberal Party para sa 2016 elections ay nagpahayag si Vice President Jejomar Binay na bagama’t siya ay “underdog” sa labanan ay muli niya pagaganahin ang kanyang “lucky punch” upang muli itong talunin sa pagka-pangulo.
“Kung sa boxing dati-rati lightweight, ngayon siguro welterweight. Nandoon pa ang aking lucky punch,” wika ni Roxas na gumamit ng boxing analogy na tumutukoy sa una nilang paghaharap ni Roxas noong 2010 nang sila ay kapwa tumakbo sa pagka-bise presidente.
“Lahat ng mga ganiyang pagkakataon laging feeling ko lagi ay underdog,” “So, kailangan laban nang laban.” pahayag ni Binay.
Ayon kay Binay na may malaking bentahe si Roxas sa pagiging manok ng administration subalit ang hinahanap ng mga botante sa isang kandidato ay yung mayroong kakakayahan, karanasan at pagmamahal sa bayan.
“Basta’t ako uulit-ulitin ko, malaki ang paniwala ko na sa darating na halalan magiging isyu ang kakayahan, karanasan at malasakit sa bayan,” wika nito.
Magugunita na nangunguna si Binay sa pre-election surveys sa mga posibleng kandidatong pangulo sa bansa hanggang siya ay maungusan ng bagitong si Senator Grace Poe, na umano ay napapabalitang ka-tandem ni Senator Francis Escudero.
Samantala, sinabi rin ni Binay na kahit hindi siya suportahan ng mga kapatid ni Pangulong Aquino sa eleksyon ay mananatili pa ring kaibigan ng kanyang pamilya ang mga Aquino.
Ang pamilya Binay at Aquino ay matagal nang magkaibigan at napanatili nila ang kanilang magandang relasyon simula pa noong 1980s.