MANILA, Philippines – Posibleng aabot sa 39,000 guro sa kolehiyo ang mawawalan ng trabaho sa unang taon ng implementasyon ng K12 program.
Ito ang inihayag ni Education Secretary Armin Luistro, sa ginanap na K12 forum ng House Committee on Basic Education at House Committee on Higher and Technical Education na worst scenario kung hindi magtayo ng senior high school ang pribadong educational institutions.
Sa nasabing bilang, 14,000 faculty ang mawawalan ng trabaho sa unang implementasyon ng K12, subalit agad nilinaw ni Luistro na hindi ito dapat pangambahan dahil mangangailangan ang DepEd ng 30,000 guro sa unang taon nito na mag-uumpisa sa 2016 at handa sila na tanggapin mga mawawalan ng trabaho sa ibang eskwelahan.
Idinagdag pa ni Luistro habang walang trabaho sa panahon ng dalawang taong transition para sa K12 ay maaari naman kumuha ng doctoral degree ang mga guro para hindi sila mapag-iwanan kung magbubukas na ulit ang oportunidad sa mga unibersidad pagsapit ng 2018.