MANILA, Philippines - Walang kaawa-awang pinatay sa harapan ng kanyang anak ang isang 50-anyos na dating guwardiya ng dalawang di pa nakikilalang lalaki sa Barangay Lambug, Badian, Cebu kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Romeo Auban Terante, idineklarang dead on arrival sa Badian District Hospital.
Sa ulat ng Cebu City Police, kasalukuyang naglalakad ang mag-ama dakong alas-5 ng hapon sa naturang lugar nang harangin ng riding in tandem at barilin ng back rider na nadaplisan sa kaliwang kamay sa ikalawang putok.
Nagawa pang tumakbo ng biktima habang akay-akay ang 10-anyos nitong anak na isang Grade IV pupil sa Tambug Elementary School pero inabutan ng mga suspek saka pinaluhod at binaril sa kaliwang bahagi ng ulo kaya naman na-shock ang anak ng biktima.
Sa salaysay ng anak ng biktima sa mga awtoridad, nagmamakaawa ang kaniyang ama sa mga suspek pero hindi ito pinakinggan at mabilis na tumakas matapos ang krimen. Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo ng insidente.