Gunman napatay ng mga sundalo... Trainer ng OFWs itinumba
MANILA, Philippines – Pinagbabaril ang isang lalaking trainer ng mga nag-aaplay bilang overseas Filipino worker ng kasama nito sa trabaho kahapon sa Cotabato City.
Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Arman Duyato, ng Pikit, North Cotabato.
Habang ang suspek na kasama nito sa trabaho ay kinilalang si Onsing Kalipapa, 35, may-asawa ng Diwang, Lebak, Sultan Kudarat.
Batay sa ulat, dakong alas-4:00 ng hapon ay nakatayo ang biktima sa bahagi ng Gov. Gutierrez St., RH 9 ng lungsod nang sumulpot ang suspek at agad na binaril ito sa ulo.
Nang bumagsak ang biktima ay mabilis itong tumakas, subalit nakasalubong nito ang mga kasapi ng 5th Special Forces Batalion Cotabato City sa crossing ng lungsod.
Sa halip na sumuko ay pinagbabaril umano ng suspek ang mga sundalo, subalit sinuwerte na walang tinamaan.
Kaya naman ay napilitan ang mga sundalo na gumanti ng putok at tinamaan sa ulo ang suspek na ikinamatay nito.
Lumalabas sa imbestigasyon na selos sa trabaho ang motibo nang pamamaril ng suspek sa biktima.
- Latest