MANILA, Philippines - Tatlong magkakapatid ang nagsampa ng kasong rape laban sa kanilang tatay matapos na sila ay ginawang parausan nito habang nagtatrabaho sa bansa ang kanilang nanay.
Ang suspek na kinasuhan ng statutory rape in relation to RA 7610 o child abuse ay kinilalang si Chester Legaspina, 39, residente ng Brgy. Malagasang II-B, Imus, Cavite.
Ayon sa ulat ng Cavite CIDG na natuklasan lang ang ginawang kahayupan ng suspek sa kanyang tatlong anak na may edad 14, 5 at 2 nang magsumbong ang una sa kanyang lola.
Ayon sa 14-anyos na dalagita, na 4-anyos pa lamang siya nang simula siyang molestiyahin ng ama sa pamamagitan ng paghipo at paghalik sa maselang bahagi ng kanyang katawan.
Subalit, pagtuntong niya ng 7-anyos ay dito na siya sinimulang halayin ng ama na nagaganap araw-araw at ang pinakahuli ay itong Hulyo 25 na kung saan siya ay 14-anyos na.
Hindi na nito nakayanan ang kalbaryo kung kaya’t humingi ito ng tulong sa mga kapitbahay na nagsumbong naman sa kanilang lola.
Matapos magsumbong sa lola ay dito lamang nalaman na pati ang dalawa pang kapatid ay hinalay at minolestiya ng ama.
Nagsampa ng reklamo ang magkakapatid sa pulisya at nagsagawa ng operasyon at inaresto ang ama.
Sa resulta ng medico-legal report ay nakitaan na ang tatlong magkapatid ay may mga sugat sa maseselang bahagi na indikasyon na dumaan sila sa traumatic sexual abuse.
Ang ina ng mga bata ay nagtatrabaho sa Qatar bilang OFW kaya naiiwan sila sa pangangalaga ng ama.