MANILA, Philippines - Patay ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) habang dalawang pulis ang nasugatan at apat namang kasamahan ng mga ito ang binihag nang salakayin ng tinatayang 60 mga armadong rebelde ang himpilan ng Alegria Municipal Police Station (MPS) sa lalawigan ng Surigao del Norte nitong Huwebes ng hapon.
Sa phone interview, kinilala ni CARAGA Police Spokesman Supt. Romaldo Bayting ang mga nasugatang pulis na sina PO2 Reuben Salino at PO3 Romero Dagsa, kasabay ang pag-uutos ni CARAGA Police Regional Director Chief Supt. Dominador Aquino Jr. na isailalim sa full alert status ang buong rehiyon at ipinag-utos rin ang pagsasagawa ng checkpoint bunga ng insidente.
Ayon kay Bayting , apat din pulis ang binihag ng mga nagsitakas na rebelde na nakilalang sina PO3 Vic Concon, Po1 Rey Morales, Po1 Joen Zabala at PO1 Edito Roquino.
Patuloy namang inalaam ang pagkakakilanlan ng dalawang rebelde na narekober ang bangkay sa lugar habang ang isa pang nasawi ay binitbit ng umatakeng mga kalaban nang magsitakas ang mga ito.
Sumalakay ang mga rebelde sakay ng truck ganap na alas-3 ng hapon kung saan 20-25 sa mga ito ay nakasuot ng fatigue uniform at ang iba naman ay nagbantay lang sa labas ng headquarter na ang laman naman ay walong pulis at wala pa ang hepe dito na si Inspector Cheren Abdian.
Ang grupo ng NPA Guerilla Front 16 ang umano’y responsable sa nasabing pag-atake na tumagal ng 30 minuto. Natangay din ng mga rebelde ang ilang armas ng himpilan gaya ng M14 automatic rifle, apat na M16 rifle at isang shotgun. Mabilis na nagsitakas ang mga suspects patungo sa direksiyon ng Brgy. Siringan at Brgy. Bliss na pawang nasa Kitcharao, Agusan del Norte.