MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 63-anyos na lola na landlady nang saksakin ng kanyang tenant matapos ang mainitang pagtatalo ukol sa upa sa kuwarto kahapon sa Sta. Cruz, Maynila.
Ang nasawi ay kinilalang si Imelda Del Rosario, ng 2421 Kalimbas St., Sta. Cruz. Habang ang suspek ay kinilalang si Allan Olano, 35-anyos, may asawa na mabilis tumakas.
Sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-11:00 ng umaga ay kinatok ng biktima ang kuwarto ng suspek para singilin ito sa upa.
Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang nagalit ang suspek sa biktima kung kaya’t nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng patalim ang una at sinaksak ang huli sa katawan.
Ayon sa ibang nangungupahan na madalas umanong magkakaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek tungkol sa singilan ng upa.