Salbaheng anak, tinodas ng ama

MANILA, Philippines - Mismo ang sari­ling ama na ang tumapos sa buhay ng kanyang salbaheng anak nang saksakin niya ito kamakalawa ng gabi sa kanilang bahay sa Tondo, Maynila.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Tondo General Hospital ang biktimang si Jake Calaycay, 23, ng Bldg. 22, Unit 505,  Permanent Housing, Balut, Tondo, Maynila.

Nabatid na lumobo ang bituka ng biktima matapos operahan dahil sa pag-inom ng tubig kahit hindi pa dapat, pagwawala at pagtanggal sa mga dextrose na naka­kabit sa kaniyang katawan noong Martes ng alas-11:20 ng gabi.

Dinakip naman ang ama na si Onofre Calaycay, 60, na hirap sa pag­lalakad, urong ang dila dahil sa stroke at inborn na putol ang mga daliri sa dalawang kamay na kinasuhan ng parricide.

Sa imbestigasyon, bago nangyari ang pagsaksak ng ama sa anak dakong alas-10:30 ng umaga sa terrace ng bahay ay pinatid muna ng huli ang dumadaan na ama na hirap sa pagla­lakad kung kaya’t sinaksak ito sa sikmura na ikinaluwa ng bituka.

Nadala sa pagamutan at maayos na ang kondis­yon ng biktima matapos isailalim sa operasyon nang  magwala umano ito sa loob ng ospital at tanggalin ang mga nakakabit na dextrose at uminom ng tubig na mahigpit na ipinagbabawal ng doctor na siyang sanhi ng tuluyan niyang pagkamatay.

Ayon naman sa ina na hindi siya nanghinayang na mamatay ang anak dahil sa mga perwisyo na ginagawa nito sa kanilang pamilya, subalit nagsisisi siya na dapat ay ibang tao na lamang ang pumatay dito at hindi ang sariling ama.

“Hindi ako nasasaktan, masama lang ang loob ko kasi sa dinami-dami ng tao na dapat na pumatay sa kanya ay ang tatay pa niya na na-stroke at may sakit ang nakadale sa kanya. Mabuti na nga at nawala na siya para wala na siyang maper­wisyo. Kung kami nga ng tatay niya ay ganun na lang kung murahin niya at maltratuhin,” ani Aling Lorma. 59, labandera.

Bukod umano sa palaging minumura ang mag-asawa at sinasaktan ng biktima ay ipinapaholdap pa nito ang sariling kapatid na si Rocehelle Ann sa mga kaibigan.

Ilang beses na rin  nakulong dahil sa pang­hoholdap ang biktima, kapag hindi mabigyan ng pera ay ibinebenta ang kanilang mga gamit tulad ng super kalan at ninanakaw ang kanilang mga cellphone.

Show comments