MANILA, Philippines - Tila isang “suntok sa buwan†ang isinusulong na recall election laban kay Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado makaraang magpahayag ng suporta ang may 80 porsiyentong miyembro ng League of Municipalities of the Philippines Bulacan Chapter para sa kasalukuyang gobernador upang hindi maisulong ang protesta.
Ayon kay Pandi Mayor Enrico A. Roque, pangulo ng Bulacan-LMP, todo ang suporta ng mga city at municipal mayors para kay Alvarado upang hindi matuloy ang ginagawang hakbang ng mga oposisyon laban sa kasalukuyang gobernador.
Patunay na rito ang mahinang kakayahan ng mga nagsasagawa upang maisulong ang recall election na isang paraan ng maagang pamumulitika kung saan kinakailangan na makalikom ng 10 porsiyento pirma mula sa 1.5 milyong botante upang katigan ang recall.
Sinabi ni Roque na 19 mula sa 24 alkalde sa mga lungsod at bayan sa Bulacan ay nagpahayag ng pagsuporta kay Alvarado at nangakong hindi makalilikom kahit 3% ang isinasagawang pagpapapirma ng mga kalaban ng gobernador.
Kabilang sa mga programa ay ang seven point agenda ni Alvarado na naging sandigan ng mga alkalde upang palakasin ang liderato ng kasalukuyang administrasyon.
Anya, hindi nagpapaapekto si Alvarado sa maagang pamumulitika ng mga kalaban nito upang linlangin ang taumbayan sa tunay na kalagayan ng lalawigan at sa halip ay patuloy lamang ang gobernador sa kanyang pagsasaayos at pagpapanatili ng magandang antas ngayon ng lalawigan ng Bulacan.