Sinasakyang BMW sumalpok sa concrete barrier Negosyante nasawi

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang negosyante makaraang maipit sa loob ng sinasakyang BMW nang sumalpok sa isang concrete barrier  sa Katipunan flyover sa Loyola heights Quezon City, noong Huwebes ng gabi.

Sa naantalang ulat  kahapon ng  Quezon City Police District  Traffic Enforcement Unit (QCPD-TEU), nabatid na dead-on-arrival sa Quirino Memorial Medical Center ang biktimang si Jose Alvarez, 45, nakatira sa  #1 McKinley Parkway,  Taguig City.

Sa ulat ni Senior Insp. Erlito Renegin ng  QCPD-TEU, nangyari ang aksidente sa southbound lane ng  Katipunan Ave., malapit sa Xavierville Ave., pasado alas-11:45  ng gabi noong Huwebes.

Ayon sa report, minamaneho ni Alvarez  ang isang bagong BMW sedan na may plakang  TQA-973 na papauwi sa kanilang tahanan nang maganap ang aksidente.

Posibleng umanong naidlip ang  negosyante sa manibela at hindi nito napansin ang concrete barrier kaya ito bumangga at maipit sa loob ng sasakyan.

Wala umanong indikasyon na nakainom ng alak ang biktima sa ginawang pagsusuri ng medico legal at malabong mechanical problem ang dahilan dahil bagung-bago ang nasabing sasakyan.

Show comments