Pagdura sa public place gagawing krimen

MANILA, Philippines - Isang mambabatas ang nagsusulong na gawin ng krimen ang pagdura sa pampublikong lugar sa bansa.

Ayon kay AVE Par­ty­list Rep. Eulogio “Amang” Magsaysay, sa pamamagitan ng House Bill 299 o Anti-Spitting Act of 2013, ay makakatulong ito para maipamahagi ang kaalaman tungkol sa masamang dulot nang pagdura kung saan-saan at upang mabago na rin  ang nakagawian ng ibang tao.

Paliwanag ng mam­babatas, dala na rin sa global pandemics tulad ng SARS, bird flu at iba pang nakahahawa at airborne diseases ay kailangang matigil na ang ugali ng ilan na walang pakunda­ngan na dumudura kahit saan.

Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang sinuman na dumura sa mga pampublikong lugar tulad ng kalsada, pasilyo, sidewalks, parks, malls, palengke, bangko, paaralan, hospital, simbahan at iba pang pampublikong lugar.

Ang sinumang mahuhuling dumudura ay pagmumultahin ng P500 sa unang pagkakasala, P1,000 sa ikalawa at P2,000 sa ikatlo at pagkakakulong ng 6 na buwan.

Sinabi ni Magsaysay, inihain niya ang panukala dahil natukoy na ang pagdura ay isa sa sanhi ng pagkalat ng sakit na TB sa bansa. Base sa datos, ang bilang ng namamatay sa TB ay nasa average na 75 Pilipino kada araw.

 

Show comments