Babae tumalon sa riles ng MRT, naputulan ng paa

MANILA, Philippines - Naputulan ng kaliwang paa ang isang babae matapos itong nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa riles ng  Metro Rail Transit (MRT) sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.

Ang biktima ay naki­lalang si Rica Roma Fernandez, 28, ng 1213 M. Delos Reyes St., Gen. T. de Leon, Valenzuela City.

Sinasabing kinaila­ngang putulan ng kali­wang paa ng biktima sa Polymedic General  Hos­pi­tal dahil nadurog ang buto nito matapos na
ma­ipit sa riles ng tren.

Ayon kay MRT General Manager Al Vitangcol, dakong alas-11:14 ng umaga
kahapon nang maganap ang insidente sa southbound lane ng MRT-Shaw
Boulevard Station.

Sinasabing paparating ang tren nang biglang tumalon ang biktima.

Nahirapan ang mga oto­ridad na maalis kaagad ang pagkakaipit ng babae sanhi upang pansamantalang itigil ang operasyon at halos mahigit isang oras bago naibalik sa normal ang operas­yon ng MRT.

Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang pamunuan ng Light Rail Transit Autho­rity (LRTA) sa publiko na bawal ang paghu-‘horse playing’ o pagbibiro ng kun­waring pagpapakamatay sa mga istasyon ng LRT at MRT na may katapat na parusang pagkakulong.

 

Show comments