MANILA, Philippines - Naaresto ng pulisya ang 7 katao matapos na masamsaman ng bultu-bultong mga ipinagbabawal na paputok sa isinagawang serye ng raid sa lalawigan ng Laguna at Cavite, kamakalawa.
Iniulat ni Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Pascual Munoz, dakong alas-7:30 ng gabi nang maaresto ang suspek na si Jeffrey Ambayec, 29, sa bahay nito sa Brgy. Console III, San Pedro, Laguna matapos ireklamo ng kaniyang mga kapitbahay na sangkot sa pagbebenta ng mga malalakas at mapanganib na paputok sa kanilang lugar.
Inaresto si Ambayec sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte na nagresulta sa pagkakasamsam ng P 500,000 halaga ng piccolo, Goodbye Philippines at iba pang uri ng bawal na paputok.
Nasakote rin sa raid sa Brgy. Bucandala III sa Imus City, Cavite bandang alas-4:30 ng hapon ang anim na suspek na sina Rowena Oliver, Rudy dela Paz, Zaldy Saliva, Gerry Oliver, John Michael Abod at Cris Mark Cabugnason na nasamsaman ng 100 kilo ng kulay itim na pulbos na pangunahing sangkap sa paggawa ng illegal na paputok.