Batang Manda, Jungkook paborito
MANILA, Philippines — Pinapahinga na ang 11 mahuhusay na kabayo para maging handa sa magaganap na 2025 Philracom “Gran Copa De Manila” na ilalarga bukas sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Markado ng mga karerista ang reigning Presidential Gold Cup champion Batang Manda at Jungkook sa event na may distransyang 1,600 meter race at nakalaan ang P1 milyong guranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Makakatagisan ng 2024 Philippine Sportswriters Association (PSA) Horse of the Year Batang Manda at Jungkook ang Don Julio, King James, magkakuwadrang Basheirrou at Added Haha, Istulen Ola, Batang Kanlaon, La Trouppei at magkakamping Easy Does It at Trump Peter.
Suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom) ang karera na hahamigin ng mananalong kabayo ang P600,000 premyo.
“The Philracom Gran Copa de Manila is far more than just a race; it is a profound celebration of Filipino horseracing heritage and the indomitable spirit of competition that runs deep within our veins,” sabi ni chairman Reli De Leon.
Masisikwat ng pangalawang tatawid sa finish line ang P200,000, mapupunta sa third ang P100,000, habang ang P50,000, P30,000 at P20,000 ang ibibigay sa fourth hanggang sixth placers, ayon sa pagkakasunod.
Inaasahang mapapalaban ang Batang Manda na gagabayan ni dating PSA Jockey of the Year Patty Ramos Dilema at Jungkook na sasakyan ni class A rider Kelvin Abobo.
Posibleng magbigay ng magandang laban sa Batang Manda at Jungkook ay ang 2022 First at Second Leg Triple Crown championship winner Basherrou.
Samantala, hindi naman kasali ang Secretary na siyang nanalo noong nakaraang taon.
- Latest