Twice-to-beat itinagay ng SMB

Dinomina ni SMB center June Mar Fajardo ang NorthPort sa ilalim.
PBA Image

MANILA, Philippines — Naselyuhan ng San Miguel ang asam nitong twice-to-beat matapos ang dominanteng 126-91 panalo kontra sa NorthPort sa pagtatapos ng 2025 PBA Philippine Cup elimination rounds kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Kumaripas sa 57-38 ratsada ang Beermen sa halftime at hindi na nagpaawat pa tungo sa pagsikwat ng 8-3 kartada para sa siguradong pwesto sa Top 4 na siya lamang mabibiyayaan ng twice-to-beat sa paparating na quarterfinals.

Katabla ngayon ng SMB ang Magnolia at NLEX pero nakuha ng Beermen ang No. 1 spot dahil sa kanilang superior quotient.

Umiskor ng 24 puntos at 5 rebounds si CJ Perez sa 21 minutong aksyon lamang para giyahan ang kalat na opensa ng mga bataan ni coach Leo Austria.

Nag-ambag ng tig-17 puntos sina Jericho Cruz at Don Trollano habang may 14 at 10 puntos sina June Mar Fajardo at Marcio Lassiter.

Nagdagdag pa ng 11 rebounds si 8-time PBA MVP Fajardo sahog pa ang 4 assists at 3 steals para sa kumpletong performance kahit pa halos 19 minuto lang sumalang sa tambakang laro.

May kontribusyon pang 9, 8 at 7 puntos sina Jeron Teng, Rodney Brondial at Juami Tiongson, ayon sa pagkakasunod, para sa Beermen na naiganti agad ang 100-97 kabiguan kontra sa Converge.

Lumamang ng hanggang 37 puntos, 111-74, ang SMB sa kumbinsidong panalo para palakasin ang misyon nitong makaganti ngayong season matapos yumukod kontra sa Meralco sa nakaraang All-Filipino finals.

Pumukol ng 19 puntos si Joshua Munzon, may 13 si Cade Flores habang may tig-11 sina Fran Yu at Jerrick Balanza para sa Batang Pier na kagagaling lang sa 113-108 silat na panalo kontra sa NLEX.

Show comments