MANILA, Philippines — Humirit ng pilak na medalya si Micaela Jasmine Mojdeh sa 20th Singapore National Swimming Championships na ginanap sa Singapore Sports School, Woodlands.
Naglatag ng malakas na puwersa si Mojdeh para mairehistro ang dalawang minuto at 17.79 segundo at masikwat ang pilak sa women’s 200m butterfly.
Mas maganda ito kumpara sa naitala nitong 2:17.83 sa preliminary kung saan nanguna ito laban sa mga matitikas na tankers kabilang na si reigning Southeast Asian Games champion Quah Jing Wen ng Singapore.
Na-disqualified si Quah sa naturang event matapos magtamo ng pagkakamali habang hindi pa tapos ang laban dahilan para hindi ito makapasok sa finals.
Nasungkit ng isa pang Pinay bet na si Xiandi Chua ang ginto na may dikit na 2:17.48 habang nagkasya naman sa tanso si Megan Janice Ee Xin ng Singapore na may nailistang 2:18.11.
Masaya rin si Mojdeh sa magandang ipinamalas nito sa women’s 100m butterfly kung saan naisumite nito sa finals ang 1:02.02 na mas mabilis ng 0.66 sa kanyang season best.
“I was so shocked with the time I got in my 100m butterfly. I did not expect that I could do it and hit that 1:02.02 which is just .03 away from 1:01 (personal best),” ani Mojdeh.
Nagawang makipagsabayan ni Mojdeh sa mas beteranong kalaban sa tulong na rin ng motibasyon na ibinigay ng mga coaches nito at ng mga magulang nito.
“I was a bit worried to be swimming in A final because I swam with the SEA Games veterans in the final. But my coach reminded me that I needed to just focus on myself,” dagdag ni Mojdeh.
Dahil sa magandang aral, nagawa ni Mojdeh na maisakatuparan ang inaasam nitong mas mapaganda pa ang kanyang season best time.
“My mom told me to just close my eyes so that I would not be focusing on my fast competitor but instead focus on how I feel. And so I did and it worked! I hit my personal best (PB) and it was such a great feeling,” ani Mojdeh.
Samantala, nakahirit din si Chua ng isa pang ginto sa paborito nitong women’s 200m backstroke tangan ang 2:14.93 at nakatanso pa ito sa women’s 200m freestyle habang nag-ambag ng isang tanso si Quendy Fernandez sa women’s 50m backstroke (30.01).