Lady Pirates umiskor ng panalo sa Lady Stags
MANILA, Philippines — Ganado pa rin na naglaro si Joan Doguna kahit wala na silang pag-asang pumalo ng bola sa semifinals matapos akbayan ang Lyceum of the Philippines University sa panalo kontra San Sebastian College - Recoletos, 23-25, 25-22, 25-22, 25-15 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa San Andres Gym sa Manila, kahapon.
Kumana si Doguna ng 17 attack points para tulu-ngan ang Lady Pirates na ilista ang 8-8 karta at upuan ang pang anim na puwesto sa team standings.
Subalit kahit maipanalo ng Intramuros-based squad ang huling dalawang natitirang laro ay hindi na rin sila makakahabol sa Top Four.
Solo sa tuktok ang defending champion College of Saint Benilde tangan ang 14-2 card nasa pangalawa ang Letran na may 13-3 baraha habang tig-11-6 ang baraha ng Arellano University at Mapua University.
Umiskor din si Angelica Cruz ng 16 markers mula sa 12 kills at apat na blocks habang bumakas sina Johna Denise Dolorito, Ashley Muchillas at Vanessa Yvone Martin ng 14, 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakahilera.
Sunod na laro ng Lady Pirates sa Martes kontra Lady Chiefs sa alas-2:30 ng hapon sa parehong lugar.
Nalasap ng Lady Stags ang pang-10 talo sa 17 salang.
Samantala, nagpasiklab ang San Beda University nang kalusin nila ang Emilio Aguinaldo College, 25-16, 26-24, 25-17 sa ikalawang laro.
Namuno sa opensa para sa Lady Red Spikers si Angel Mae Habacon na kinana ang 17 points mula sa 13 attacks at tig-dalawang blocks at service aces para buhatin ang Mendiola-based squad sa 3-14 karta.
- Latest