Mapua yumuko sa CSB
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas si Rhea Mae Densing matapos nitong akayin ang defending champion College of Saint Benilde sa 25-12, 25-19, 26-24 panalo kontra Mapua University sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan, kahapon.
Humambalos si Densing ng 20 points mula sa 19 attacks at isang block para sa Taft-based squad na hindi lang ang pagsampa sa semifinals ang tiyak, pati ang twice-to-beat incentive ay naibulsa na rin nila.
Pasan ang 14-2 karta, solo sa tuktok ng team standings ang Lady Blazers habang nasa pangalawang puwesto ang Letran na may 13-3, panigurado na rin sila sa Top Four at bonus.
Kumana rin sina Cristy Ondangan, Francis Mycah Go at Shahanna Rheign Lleses ng 15, 11 at walong puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Lady Blazers.
Dahil sa talo ay nalusaw ang asam ng Lady Cardinals na makuha ang insentibo na ibinibigay para sa top two teams pagkatapos ng double round robin eliminations.
Nasalap ng Mapua ang pang anim na talo sa 17 laro, kailangan nilang manalo sa huli nilang laban upang manatiling malakas ang pag-asa na makapasok sa magic four.
- Latest