Taduran at Shigeoka unahan sa KO win
MANILA, Philippines — Kagaya ng gustong gawin ni Pinoy world champion Pedro Taduran, isang knockout win din ang pakay ni Japanese challenger Ginjiro Shigeoka sa kanilang rematch.
At kung magtatapos sa 12 rounds ay posible pa ring maagaw ni Shigeoka ang suot na International Boxing Federation (IBF) minimumweight crown ni Taduran.
Inaasahan kasing magagamit ng dating Japanese titlist ang hometown decision laban kay Taduran.
Nauna nang tinalo ni Taduran (17-4-1, 13 knockouts) si Shigeoka (11-1-1, 9 KOs) noong Hulyo ng nakaraang taon sa Japan.
Nakatakdang itaya ng 28-anyos na si Taduran ang kanyang IBF belt kontra sa 25-anyos na si Shigeoka sa kanilang rematch sa Sabado sa Osaka, Japan.
“Ang nasa isip namin gusto talaga ng kalaban namin suntok, alis, suntok, alis. Makatapos lang ng 12 rounds, tapos delikado na kami kapag umabot ng 12 rounds. Kaya knockout talaga ang target namin,” sabi ni chief trainer Carl Peñalosa Jr. kay Taduran.
Isasagawa ang official weigh-in at press conference bukas sa Hotel Monterey Grasmere.
Kumpiyansa ang kampo ng Pinoy world champion na makukuha nila ang weight limit.
“Hindi namin ang problema ang timbang niya,” ani Peñalosa kay Taduran na kasalukuyang may bigat na 108 pounds. “Kayang-kayang kunin iyong 105 pounds sa weigh-in.”
Ang weight limit ay 105 pounds.
Si Taduran ang kasalukuyang ikalawang Pinoy world champion bukod kay World Boxing Council (WBC) minimumweight king Melvin Jerusalem.
- Latest