Lady Chiefs nagpalakas sa semis
MANILA, Philippines — Tumitibay ang tsansa ng Arellano University na makapasok sa semifinals matapos kalusin ang Emilio Aguinaldo College, 25-19, 25-15, 25-23, sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Bumira si Laika Tudlasan ng 13 points kasama ang 10 kills at tatlong service aces para ilista ang 11-6 record ng Lady Chiefs at lumakas ang kapit sa No. 4 spot sa team standings.
Nakatuwang ni Tudlasan sa opensa sina Marianne Lei Angelique Padillon, Samantha Gabrielle Tiratira at Pauline De Guzman kaya madali nilang nagupo ang nagkukumahog na Lady Generals.
Kumana si Padillon ng siyam na puntos, habang may tig-walong marka sina Tiratira at De Guzman para sa Arellano.
Kailangan ng Lady Chiefs na maipanalo ang huli nilang laro para masiguro ang pag-usad sa Final Four.
Solo sa tuktok ang defending champion St. Benilde na may 13-2 baraha kasunod ang Letran (13-3), Mapua University (11-5) at Perpetual Help System DALTA (9-6).
- Latest