Confidence Game markado sa Maiden Race
MANILA, Philippines — Magtatagisan ng bilis ang 14 mahuhusay na kabayo sa magaganap na 3-Year-old & Above Maiden Race (Placer) na ilalarga bukas sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Kabilang sa paparada sa pista ang Confidence Game, Levitating, Maria Eloida at Gentleman Bell sa distansyang 1,400 meter race.
Nakalaan ang added prize na P15,000 para sa winning horse owner.
Ang iba pang kalahok ay ang Easy Go Lucky, Nine One One, Lake Apo, Tinn City, Giselle’s Touch, I Choose Kindness, Enough Is Enough, Royal Salute, One Eight Nine at Fire In The Sky.
Inaasahang makakakuha ng malaking suporta sa mga karerista ang Confidence Game na sasakyan ni reigning back-to-back Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee John Alvin Guce.
Posibleng magbigay ng magandang laban ang Maria Eloida, Gentleman Bell at Enough Is Enough sa event na suportado ng Philippine Racing Commission.
Kukubrahin naman ng breeder ng mananalong kabayo ang P4,500, habang P1,000 at P500.00 ang ibibigay sa second at third placers, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, pitong karera ang inihanda ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya asahang magsasaya ang mga karerista.
- Latest