Lady Bombers umiskor ng panalo sa Lady Red Spikers
MANILA, Philippines — Nakitaan pa rin ng gilas ang Jose Rizal University kahit laglag na sila sa semifinals, winalis nila ang San Beda University, 25-19, 25-22, 25-21 sa second round ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan kahapon.
Tumikada si Nicole Grace Deala ng 15 points mula sa 13 attacks at dalawang service aces upang tulungan ang Lady Bombers na ilista ang 2-14 karta kapareho ng biktimang Lady Red Spikers.
Ipinakita pa rin ni Deala at ng JRU ang kanilang tikas ng habulin nila ang siyam na puntos na pagkakalubog, 4-13 sa third set, ginapang nila ito para makuha ang panalo.
Sa Biyernes ang sunod na laro ng JRU kontra University of Perpetual Help Systen DALTA sa alas-2:30 ng hapon sa parehong lugar.
Paniguradong si Deala pa rin ang kakapitan ng Lady Bombers sa opensa.
Sunod na laban naman ng San Beda sa Linggo kontra Emilio Aguinaldo College sa San Juan din ang laro.
Samantala, pasok na sa Final Four ang Letran habang halos 100 porsiento na rin ang kasiguruhan ng defending champion College of Saint Benilde.
Solo sa tuktok ang Lady Knights tangan ang 13-2 record habang nasa pangalawa ang Lady Blazers na may 12-2 baraha at dahil may twice-to-beat incentives sa top two teams pagdating sa semifinals ay magiging mainit ang bakbakan ng dalawang nasabing koponan.
- Latest