Pacquiao nasa la na
MANILA, Philippines — Nauna nang kumalat sa social media ang video ni dating world eight-division champion Manny Pacquiao na nagpapapawis sa mitts at heavy bag.
Kahapon ay dumating si Pacquiao sa Los Angeles, California para sa isang press conference para sa paghahamon niya kay American welterweight king Mario Barrios sa Hulyo 19 sa Las Vegas, Nevada.
Magbabalik ang 46-anyos na Pinoy boxing icon sa pamosong Wild Card Boxing Gym ni American trainer Freddie Roach.
“We can train hard for this fight. Very important fight,” sabi ng kaibigan at trainer ni Pacquiao na si Buboy Fernandez.
Isang press conference ang itinakda ngayong linggo para sa official announcement ng championship fight nina Pacquiao at Barrios.
Pipilitin ng 46-anyos na si Pacquiao (68-8-2, 39 KOs) na agawin sa 29-anyos na si Barrios (29-2-1, 18 KOs) ang suot nitong World Boxing Council (WBC) welterweight crown.
Nakasaad sa WBC na maaaring humiling ng title fight ang isang dating kampeon matapos magretiro.
Kasalukuyang nakaupo si Pacquiao sa No. 5 sa WBC welterweight ratings.
Huling lumaban si Pacquiao noong Agosto ng 2021 kung saan siya natalo kay Cuban Yordenis Ugas via unanimous decision para sa WBA welterweight crown.
Matapos magretiro ay sumalang si Pacquiao sa ilang exhibition matches na ang huli ay laban kay Rukiya Anpo sa isang custom rules match noong Hulyo ng 2024 na nagtapos sa draw.
Uuwi si Pacquiao sa Pilipinas matapos ang Los Angeles press conference bago bumalik sa US para sa kanyang induction sa International Boxing Hall of Fame sa Canastota, New York sa Hunyo.
“I can’t say if he’s too old or not, you know, if he gets in there and wins then everybody will be saying differently so I don’t put no limit on an all-time-great like Manny Pacquiao,” ani dating undisputed welterweight champion Terence ‘Bud’ Crawford.
Huling nanalo si Pacquiao noong 2019 kung saan niya tinalo si American Keith Thurman para angkinin ang WBA welterweight title.
- Latest