Krusyal na panalo pakay ng Lady Stags sa Lady Cardinals
MANILA, Philippines — Bawal ng kumurap para sa San Sebastian College - Recoletos kaya kailangan nilang maipanalo ang tatlong natitirang laro sa second round ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament.
Tangan ang 7-8 card, makakaharap ng Lady Stags ang No. 3 sa team standings na Mapua University ngayong alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan.
Bagama’t mahirap nang umusad sa Top Four ang SSC-R dahil 10-5 ang karta ng Lady Cardinals at 10-6 ang record ng No. 4 na Arellano University ay sisikapin pa rin nilang makuha ang panalo.
Sakaling maipanalo ng Lady Stags ang tatlong natitirang laro ay kailangan naman na matalo ang Mapua at Arellano sa mga natitira nilang laro upang makahirit ng playoffs.
Nasa No. 5 naman ang University of Perpetual Help System DALTA hawak ang 9-6 record, kaya maging sila rin ay ipapanalangin ng Lady Stags na hindi umabot sa 11 wins.
Huhugot ng puwersa ang Lady Stags kina Juna May Gonzales, Divine Roshielle Garcia at Kristine Joy Dionisio para ipantapat sa mga kamador ng Lady Cardinals.
Sina Freighanne Seanelle Garcia, Raissa Janel Ricablanca, Gregchelle Grace Cabadin, Therese Angeli Manalo at Alyana Nicole Ong ang ipaparada ng Mapua.
Samantala, magbabanatan naman sa alas-11 ng umaga ang San Beda University at Jose Rizal University, parehong wala ng pag-asa na makapasok sa semifinals.
- Latest