Hotshots itutuloy ang ratsada sa 6 dikit
MANILA, Philippines — Mamumuro sa playoffs ang unbeaten na Magnolia kontra sa reigning champion na Meralco sa umiinit na 2025 PBA Philippine Cup ngayon sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Magpapangbuno ang Hotshots at Bolts sa krusyal na duwelo sa alas-7:30 ng gabi matapos ang tagisan ng mainit na NLEX (4-1) at kulelat na Terrafirma (1-5) sa alas-5 ng hapon.
Wala pang galos ang Magnolia sa 5-0 kartada habang mauga ang kampanya ng Bolts kahit pa defending champions ito sa hawak na 3-4 marka.
Bagama’t paborito dahil sa malinis na rekord, ayaw magpa-kumpyansa ni Hotshots mentor Chito Victolero.
“We’re happy we have a good start compared to the last two conferences but we’re still far from our goal and we still have to keep on working hard every time,” ani Victolero.
“Everybody’s stepping up, everybody’s contributing and ‘yun naman yung system namin. We try to go hard every time we step on the court and give our 100 percent, even ‘yung mga players na galing sa bench, ready maglaro.”
Sasandal si Victolero kina Ian Sangalang, Paul Lee, Mark Barroca, Zav Lucero, Calvin Abueva, Jerom Lastimosa at Rome Dela Rosa matapos ang madaling 127-94 panalo kontra sa Terrafirma.
Sa kabilang banda ay aasa si coach Luigi Trillo kina Chris Newsome, Chris Banchero, Bong Quinto, Raymond Almazan, Cliff Hodge, Aaron Block at Brandon Bates para buhayin ang kanilang title retention bid.
- Latest