Bella kukubra ng ikatlong UAAP MVP award
MANILA, Philippines — Pararangalan ng ikatlong Season Most Valuable Player (MVP) award si Bella Belen ng National University bago umarangkada ang Game 2 ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament finals ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mapapasakamay ni Belen ang MVP trophy sa ikatlong pagkakataon sa awarding ceremony sa alas-4:30 ng hapon.
Una nang nakamit ni Belen ang UAAP Rookie-MVP noong Season 84 matapos pamunuan ang Lady Bulldogs na makuha ang kampeonato sa naturang taon.
Itinanghal ding MVP si Belen noong Season 86.
Sa taong ito, nakalikom si Belen ng 96.226 statistical points para masiguro ang MVP plum.
Maliban sa Season MVP award, igagawad din kay Belen ang Best Outside Hitter award kasama si Angel Canino ng La Salle na ikalawang Best Outside Hitter.
Mapapasakamay naman ni Shaina Nitura ng Adamson ang Rookie of the Year award matapos makalikom ng kabuuang 371 puntos sa season na ito.
Nagtala pa si Nitura ng UAAP record na 38 points na nagawa ng isang rookie player.
Ang iba pang awardees ay sina Amie Provido ng La Salle (First Best Middle Blocker) at Nina Ytang ng UP (Second Best Middle Blocker), Shevana Laput ng La Salle (Best Opposite Spiker), Cams Lamina ng NU (Best Setter) at Lyka De Leon ng La Salle (Best Libero).
- Latest