2nd stage win ni Javiniar

Magkakaalaman na sa stage 8
LABRADOR, Pangasinan, Philippines — Bukod kay Ean Cajucom ng Victoria Sports Cycling Team, kumuha rin ng kanyang ikalawang stage win si Joseph Javiniar ng Excellent Noodles Cycling Team sa 2025 MPTC Tour of Luzon.
Tumipa si Javiniar ng bilis na 00:17:25 segundo para dominahin ang 15.14-km individual time trial Labrador-Lingayen Stage 7 na pumadyak sa Brgy. Quibaul, Lingayen at nagtapos dito sa Labrador Municipal Hall kahapon.
“Paggising ko kanina medyo mabigat (pakiramdam) eh, pero nadala naman sa warm-up,” sabi ng 25-anyos na dating waiter sa Pagsanjan, Laguna. “Plano ko po talagang mag-all out sa ITT.
Nauna nang inangkin ni Javiniar ang 166.65 Clark-Clark Stage 5 matapos dumale ng back-to-back stage win si Cajucom sa 135-kilometer Stage 3 at 168.76-km Stage 4.
Sumunod kay Javiniar sina yellow jersey leader Dae Yeong Joo ng Gapyeong Cycling Team at 2nd overall placer Mervin Corpuz ng MPT Drivehub na may 38 at 52 segundo ang agwat, ayon sa pagkakasunod.
Bumabandera pa rin ang 29-anyos na si Joo sa individual general classification sa itinalang 17:59:37 kasunod sina Corpuz (-0:02:10) ng MPT Drivehub, Nichol Pareja (-0:03:05) ng Victoria Sports, Jan Paul Morales (-0:03:09) at Jeremy Lizardo (-0:03:14) ng Standard Insurance Philippines.
Madedetermina ngayon ang tatanghaling overall individual champion sa 172.53-km Lingayen-Baguio City Stage 8.
“I just need to keep going, because there are only two of us in the team,” wika ni Joo sa pagkawala ng kanyang tatlong teammates na sangkot sa banggaan sa Stage 6.
Premyong P1 milyon ang ibibigay sa individual champion kagaya ng matatanggap ng overall team winner ng eight-stage race na inihahandog ng DuckWorld PH at Cignal katuwang ang Pilipinas Live, Meralco, Maynilad, Metro Pacific Health, Megaworld, Landco, PLDT at Smart.
Samantala, lider pa rin ang Standard Insurance Philippines sa team overall standings sa kanilang 71:01:14 kasunod ang MPT Drivehub (-0:00:32), Go for Gold (-0:00:55), 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines (0:01:52) at Victoria Sports (-0:03:19).
Kamakailan ay dinoble ni MPTC chairman Manny V. Pangilinan ng MVP Group ang naunang premyong P500,000 sa P1 milyon para sa magiging individual champion. Ang second-placer ay tatanggap ng P500,000 at third-placer ay magbubulsa ng P350,000.
- Latest