La Salle nilaglag ang UST sa bonus
MANILA, Philippines — Nasaksihan ng 6,475 fans na nanood ng live ang “Never Say Die” ng De La Salle University nang kalusin nila ang University of Sto. Tomas sa playoff para sa No. 2 seed ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa makasaysayang “The Big Dome” sa Quezon City kahapon.
Tabla sa tig-isang set, gumapang ang Lady Spikers upang habulin ang limang puntos na bentahe ng Golden Tigresses, 13-18 sa set 3 at makuha ang panalo.
May tsansa sanang makahirit ng deciding fifth set ang España-based squad nang hawakan nila ang 22-17 bentahe sa fourth frame pero muling umahon ang Lady Spikers dahil sa mainit na laro nina Angel Anne Canino at Shevana Maria Nicola Laput.
Nirehistro ni Canino ang 24 points mula sa 19 attacks, apat na blocks at isang service ace habang 22 ang kinana ni Laput para sa Taft-based team na bukod sa No. 2 seeding ay dadalhin nila ang twice-to-beat advantage sa semifinals.
“Pinakita ng mga bata yung puso na gusto nilang manalo kaya siguro ganon yung naging resulta. Sabi nga namin sa kanila, hindi pa tapos yung laban, kaya pa natin dumikit. Bakit hindi natin tiyagain na kunin natin itong set,” ani Lady Spikers assistant coach Noel Orcullo.
Mabiyayaan ng insentibo ang top two teams pagkatapos ng eight-team double round robin, nauna ng nasikwat ng defending champion ang isa nang masiguro ang top seeding sa nilistang 12-2 karta.
Nag-ambag sina Alleiah Jan Malaluan at Amie Providong 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod para sa La Salle na makakalaban ulit ang UST sa semis.
- Latest