Malaysian bumida sa Stage 6

Premyo dinoble ni Pangilinan
LINGAYEN, Pangasinan — Matapos si Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling Team ay si Muhammad Zahin Wahhi naman ng Malaysia Pro Cycling ang hinirang na stage winner.
Nagtala si Wahhi ng bilis na tatlong oras, 31 minuto at 12 segundo para pangunahan ang 168.19-kilometer Stage 6 ng 2025 MPTC Tour of Luzon na binitawan sa Filinvest Mimosa Acacia Drive sa Clark, Pampanga at nagtapos dito sa Pangasinan Provincial Capitol kahapon.
Tinalo ng 26-anyos na Malaysian sa finish line sina Mervin Corpuz ng MPT Drivehub at Rench Michael Bondoc ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines na may kapareho ring oras.
“I did not expect to win this stage because it’s very hot and hard climb,” sabi ni Wahhi na may sugat sa kanang binti dahil sa pagsemplang sa 135-km Stage 3 sa San Juan, La Union.
Umalpas si Wahhi sa huling 500 metro ng karera para makawala mula sa isang 14-man lead group patungo sa kanyang unang stage win.
Nauna nang pinagharian ni Joo ang Stage 1 kung saan siya pumorsiyento ng malaki para patuloy na banderahan ang individual general classification sa kanyang 17:41:34 kasunod sina Corpuz (-0:01:56), Jeremy Lizardo (-0:02:22) ng Standard Insurance Philippines, Jonel Carcueva (-0:02:27) ng MPT Drivehub at Jan Paul Morales (-0:02:41) ng Standard Insurance Philippines.
Dinoble ni MPTC chairman Manny V. Pangilinan ng MVP Group ang naunang premyong P500,000 sa P1 milyon para sa magiging individual champion.
Ang second-placer ay tatanggap ng P500,000 mula sa dating (P400,000 at
ang third-placer ay magbubulsa ng (P350,000 mula sa naunang (P300,000).
Bibitawan ngayong umaga ang 15.14-km individual time trial Labrador-Lingayen Stage 7.
Samantala, namumuno pa rin ang Standard Insurance Philippines sa team general classification sa kanilang 71:01:14 kasunod ang MPT Drivehub (-0:00:32), Go for Gold (-0:00:55), 7-Eleven (-0:01:52) at Victoria Sports Pro Cycling Team (-0:03:19).
Ang premyong P1 milyon ang ibibigay sa team champion.
- Latest