Tigresses, Lady Spikers patayan sa bonus
MANILA, Philippines — Agawan sa huling twice-to-beat incentive ang De La Salle University at University of Sto. Tomas kaya tiyak na makapigil hiningang bakbakan ang masisilayan ngayong araw sa playoff game ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na lalaruin sa Araneta Coliseum.
Magsisimula ang paluan ng bola sa alas-2 ng hapon.
Nagkaroon ng playoff para sa No. 2 seeding dahil nagtala ng magkatulad na 9-5 karta ang La Salle, UST at Far Eastern University.
Subalit mananatili sa No. 4 ang Lady Tamaraws dahil mababa ang kanilang tiebreak points kaya makakalaban nila sa semifinals ang top seed at may hawak na twice-to-beat na defending champion National University.
Nakopo ng Lady Bulldogs ang unang incentive matapos angkinin ang top seeding sa nilistang 12-2 karta, makakakuha ng bonus ang top two teams pagkatapos ng eight-team double round robin.
Inaasahang kakapitan ng Golden Tigresses sina Angeline Poyos, Regina Grace Jurado, Maribeth Hilongo at Margaret Altea para sa kanilang opensa.
Ipantatapat naman ni Lady Spikers head coach Ramil De Jesus sina Shevana Marie Nicola Laput, Angel Anne Canino, Amie Provido, Alleiah Malaluan at Katrina Del Castillo.
Anuman ang magiging resulta sa labanan ng España-based squad at Taft-based squad ay sila pa rin ang maghaharap sa semis, bentahe nga lang ang mananalo dahil sa insentibo na twice-to-beat.
- Latest