Adamson mainit na tinapos ang kampanya
MANILA, Philippines — Mabalasik na tinapos ng Adamson University ang kanilang kampanya nang tukain nila ang 25-13, 25-21, 25-18 panalo kontra University of the Philippines sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kahapon.
Patuloy ang pagpapasiklab ni super rookie Shaina Marie Nitura, muli nitong pinangunahan ang opensa para sa Lady Falcons upang ilista ang 6-8 karta at saluhan ang biktima sa No. 5 sa overall.
Tumikada si Nitura ng 22 points mula sa 18 attacks at tig-dalawang blocks at service aces habang 13 at 11 markers ang inambag nina Mary Ann Nuique at Francess Ifeoma Mordi ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ayaw paawat ng defending champion National University kahit sigurado na sila sa No. 1 seed at pagsilo ng twice-to-beat advantage sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Ito’y dahil nagtala pa rin ng panalo ang Lady Bulldogs kontra University of Sto. Tomas, 23-25, 25-17, 25-18, 22-25, 15-9 sa ikalawang laro.
Nahirang na Best Player of the Game si Mhicaela “Bella” Belen matapos nitong tulungan ang NU na ikahon ang pang 12 na panalo sa 14 na laro.
Tumikada si Belen ng 26 points mula sa 24 attacks at dalawang blocks para sa NU na haharapin ang No. 4 seed na Far Eastern University sa semifinals.
Subalit bago magsimula ang semis ay magbabanatan muna ang UST at De La Salle University para sa No. 2 spot at pagsilo ng pangalawang twice-to-beat bonus.
Magkasalo ang UST at La Salle ikalawang puwesto ng team standings, tangan ang tig-9-5 record, kapareho nilang karta ang FEU pero dahil sa mababang tiebreak points ay lumanding ang huli sa pang-apat.
- Latest