Lady Knights, Lady Blazers ‘di matibag sa liderato
MANILA, Philippines — Bumomba sa opensa si Sheena Vanessa Sarie upang akayin ang Letran sa panalo kontra University of Perpetual Help System DALTA, 27-25, 25-23, 25-21 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil Arena sa San Juan kahapon.
Kahit tinapos ng Lady Knights ang laban sa tatlong sets ay napahirapan pa rin sila bago natuhog ang Lady Altas.
Tumikada si Sarie ng 14 puntos para tulungan ang Intramuros-based squad na ilista ang 9-2 karta at saluhan sa tuktok ng team standings ang defending champion College of Saint Benilde na nagwagi sa Emilio Aguinaldo College, 25-22, 25-12, 25-10 sa unang laro.
Nakatuwang ni Sarie sa iskoran si Gia Marcel Maquilang na nilista ang 14 points lahat galing sa kills habang bumakas si Verenicce Colendra ng 13 markers mula sa siyam na attacks, tatlong blocks at isang service ace.
Lumagapak naman ang Lady Altas sa No. 4 tangan ang 7-4 baraha, nasa pangatlo naman ang Mapua University bitbit ang 7-3 card.
- Latest