Standard Insurance bumandera sa Stage 2

Tour Of Luzon: ‘Great Revival’
VIGAN, Ilocos Sur, Philippines — Binanderahan ng Standard Insurance Philippines ang 68.39-km Paoay-Vigan team time trial Stage 2 ng MPTC Tour of Luzon kahapon dito.
Nagsumite ang SIP na pinamumunuan nina Southeast Asian Games medalist Ronald Oranza at Jan Paul Morales ng bilis na isang oras, 22 minuto at 31 segundo sa eight-stage event na inihahandog ng DuckWorld PH at Cignal.
Inungusan ng SIP sa finish line ang sumegunda at tumerserang Go For Gold Philippines at 7Eleven Cliqq Roadbike Philippines na parehong naglista ng 1:24:39.
“Nagulat nga lang din kami na kami pala ang nanalo kasi noong dumating kami second lang yata kami,” wika ni Oranza sa kanyang tropa. “Siyempre, masayang-masaya na kami iyong nanalo.”
Ang 7Eleven ang unang inihayag na nanalo sa nasabing stage bago itinama ang pagkakamali dahil sa kalituhan sa oras ng pagpapakawala sa mga grupo sa starting line.
Kasama nina Oranza at Morales sa SIP sina George Oconer, Junrey Navarra, Jeremy Lizardo at Dave Cangayao na naputulan ng kadena pagsapit sa arko ng Batac.
Bagama’t hindi kasama ang Stage 2 sa overall team standings ay tumanggap pa rin ang grupo nina Oranza at Morales ng premyong P70,000.
Nauna nang nanguna ang SIP sa team classification sa Stage One sa Paoay, Ilocos Norte sa kanilang tiyempong 17:11:37.
“As we leave Paoay, Ilocos Norte, we leave behind beautiful memories of the 2025 Tour of Luzon,” ani DuckWorld PH chairman at organizer Partrick “Pató” Gregorio.
- Latest