Stage 1 kay Joo

Tour of Luzon: ‘Great Revival’
PAOAY, Ilocos Norte, Philippines — Inangkin ni South Korean rider Joo Dae Young ang Sage One ng MPTC Tour of Luzon na sinimulan at tinapos sa harap ng Paoay Church dito kahapon
Nagsumite ang 29-anyos na si Joo ng Gapyeong Cycling Team ng tiyempong apat na oras, 12 minuto at 45 segundo para dominahin ang 190.70-kilometer race na inihahandog ng DuckWorld PH at Cignal.
“I want to finish solo, that was the plan,” ani Joo na sinundan sa finish line nina Ronald Oranza ng Standard Insurance Philippines na naiwanan ng apat na minuto at 32 segundo at Aidan James Mendoza ng Go For Gold Cycling Team na nahuli ng apat na minuto at 40 segundo.
Muling susubukan ni Joo na makuha ang ikalawang sunod na lap win sa paghataw ng team time trial Stage 2 sa Vigan City ngayong umaga sa eight-stage race na inihahandog ng Cignal, Pilipinas Live, Meralco, Maynilad, Metro Pacific Health, Megaworld, Landco, PLDT at Smart.
Hindi nakasama sa podium finish si Jan Paul Morales ng Standard Insurance Philippines na sinabayan si Joo sa pagkawala sa peloton sa kalagitnaan ng karera.
Nagsimulang bumitaw ang South Korean sa multiple race champion ng Marikina City sa Bacarra na halos 30 kilometro ang layo sa finish line.
Sa kamalasan ay sumemplang pa ang 28-anyos na si Morales na nagresulta sa kanyang mga sugat sa balikat, tuhod at binti.
“Minalas lang talaga,” ani Morales sa opening stage na dumaan sa Laoag City, Vintar at Pasuquin bago lumiko sa Pagudpud pabalik ng Paoay sa event na suportado ng Cardinal Santos Medical Center, Go21, Dongfeng, Victory Liner, DOOH, PSSLAI, Unilab, Huawei, Toyota, Microtel by Wyndham, Gatorade, Drivehub at Homestretch.
- Latest