PLDT tumiklop sa Zhetysu
MANILA, Philippines — Iniligpit ng Zhetysu ng Kazakhstan ang PLDT, 25-13, 25-22, 25-20, para umabante sa semifinals ng 2025 AVC Women’s Volleyball Champions Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Tatyana Nikitina ng 17 points habang may 11 markers si Karyna Denysova para sa ikatlong sunod na panalo ng nine-time Kazakh champions sa torneo papasok sa semis.
Ang mananalo sa pagitan ng Creamline at Nakhon Ratchasima QminC ng Thailand ang haharapin ng Zhetysu sa semis.
Binanderahan ni Fil-Canadian Savi Davison ang High Speed Hitters sa kanyang 12 points.
Dinomina ng Zhetysu ang first set, 25-13, habang nakipagsabayan ang PLDT sa second at third frames sa likod nina Davison at Cuban import Wilma Salas bago isinuko ang laban.
Samantala, lalabanan ng PVL All-Filipino Conference champions Petro Gazz ang Baic Motor ng China ngayong alas-7 ng gabi sa kanilang quarterfinals match sa Pasig City venue.
Sa alas-4 ng hapon magtutuos ang Kaohsiung Taipower ng Chinese Taipei at VTV Binh Dien Long An ng Vietnam.
- Latest