Al Naser luhod sa Creamline

MANILA, Philippines — Nirapido ng Creamline ang Al Naser Club ng Jordan, 29-27, 25-20, 25-19, sa pagsisimula ng 2025 AVC Women’s Champions League kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Humataw si American import Erica Staunton ng 17 points mula sa 13 attacks, isang block at tatlong service aces habang may 10 markers si Alyssa Valdez para sa 1-0 record ng Cool Smashers sa Pool A.
Nagdagdag si Kazakh blocker Anastassiya Kolomoyets ng walong puntos kasunod ang walong marka ni Russian spiker Anastasiya Kudryashova para sa tropa ni coach Sherwin Meneses.
Nakahugot din ng kontribusyon ang 10-time PVL titlists kina Jema Galanza, Pangs Panaga at Kylie Negrito.
Itinakas ng Cool Smashers ang 29-27 pa-nalo sa first set bago ang magkasunod na demolisyon sa reigning Jordan Volleyball Premier League champions sa set two at three.
Binuksan ng Creamline ang third frame sa 5-1 bago nakadikit ang Al Naser Club sa 16-19.
Isang 6-3 atake ang hinataw ng Cool Smashers tampok ang game-winning kill ni Staunton para selyuhan ang kanilang panalo sa Jordanian team.
Samantala, humataw din ng panalo ang Kaohsiung Taipower ng Taiwan sa Pool B matapos talunin ang Hip Hing ng Hong Kong, 25-10, 25-16, 25-14.
Panalo rin ang Beijing Baic Motor ng China sa Saipa Tehran ng Iran, 28-26, 25-22, 25-19, sa Pool C.
- Latest