Batang Pier bagsak sa Elasto Painters

MANILA, Philippines — Ibinuhos ng Rain or Shine ang galit nito kontra sa NorthPort, 113-96, para makapasok sa win column ng 2025 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagbalandra ng 31-15 ratsada sa simula ang Elasto Painters at hindi pa napigilan pa tungo sa ganting tagumpay matapos bumalentong sa unang laro sa NLEX Road Warriors, 95-109.
Angat sa 1-1 kartada ang Rain or Shine upang makatabla ang NorthPort at NLEX sa gitna ng 12-team standings.
Pumukol ng 22 points, 3 rebounds at 3 assists si Gian Mamuyac para giyahan ang balanseng atake ng Elasto Painters.
Nag-ambag ng 17 points at 10 rebounds si Santi Santillan, may tig-15 markers sina Andrei Caracut at Caelan Tiongson, habang may 10 points si Adrian Nocum.
Lumamang ng hanggang 19 points ang mga bataan ni coach Yeng Guiao sa tambak na panalo.
Kumamada ng 22 points at 12 rebounds si Will Navarro upang punan ang hindi paglalaro ni superstar Arvin Tolentino dahil sa hip injury.
Mayroong 14 points si Joshua Munzon, may tig-11 markers sina Jio Jalalon at Evan Nelle, habang may 10 points si Sydney Onwubere subalit kapos pa rin para sa Batang Pier ni coach Bonnie Tan.
Nagrehistro si Tolentino ng muntikang triple-double na 19 puntos, 8 rebounds at 12 assists, sa 97-75 debut win ng NorthPort kontra sa Terrafirma bago nadale ng naturang injury sa practice.
- Latest