Lady Bulldogs ramdam ang pressure
MANILA, Philippines — Aminado si dating Rookie-MVP Mhicaela Belen na mahirap ang magdepensa ng korona lalo at determinado ang kanilang mga kalaban sa 87th UAAP women’s volleyball tournament.
“Last year po humahabol kami ng crown, ngayon po mahirap mag-defend. So ngayon, iyong pressure nasa amin,” sabi ng 22-anyos na outside hitter ng National University. “Siguro, blessing in disguise na rin na natalo kami, kasi nag-loosen up iyong bawat isa sa amin.”
Nakatikim ng dalawang talo sa second round ang Lady Bulldogs pero nasa tuktok pa rin sila ng team standings kaya nasa isip ni Belen na hindi maging kampante.
“Talagang tinanggap namin iyong bawat pagkatalo, and sinabi namin na dapat hindi na siya maulit,” ani Belen sa kabiguan ng NU sa University of the Philippines Lady Maroons at Adamson University Lady Falcons.
Tangan ng Lady Bulldogs ang 11-2 karta at nakakatiyak na ng ‘twice-to-beat’ bonus sa semifinals.
- Latest