Petro Gazz tutok na sa AVC tilt
MANILA, Philippines — Sesentro na ang atensiyon ng Petro Gazz sa AVC Champions League ilang araw matapos masungkit ang kampeonato sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Sumalang na agad sa pukpukang ensayo ang Gazz Angels para tutukan ang pagsabak nito sa AVC Champions League na aarangkada na sa Abril 20 hanggang 27 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hangad ng Gazz Angels na madala ang magandang momento sa AVC tournament na tatampukan ng matitikas na club teams sa Asya.
Kaya naman puspusan na ulit ang paghahanda ng Gazz Angels para masigurong preparado ang mga ito bago ang torneo.
Babanderahan ang tropa nina PVL All-Filipino Conference MVP Brooke Van Sickle at Finals MVP MJ Phillips na parehong maglalaro bilang imports ng Gazz Angels.
Idineklarang imports sina Van Sickle at Phillips dahil pareho itong nasa ilalim pa ng USA vollleyball federation kaya hindi pa ito maaaring maglaro bilang local players ng Pilipinas.
Gayunpaman, inaasikaso na ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang paglipat ng federation nina Phillips at Van Sickle gayundin ni Savi Davison ng PLDT High Speed Hitters para makalaro ang mga ito bilang local players.
Kasama pa naman ang tatlo sa 33 wishlist ng PNVF para sa bubuuing national team na sasabak sa ibat ibang international tournaments partikular na sa 2025 Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.
Sesentro muna ang atensiyon nina Van Sickle at Phillips sa AVC Champions League.
- Latest