Mojdeh hahakot ng ginto sa SNAG
MANILA, Philippines — Puntirya ni dating World Junior Championships campaigner Micaela Jasmine Mojdeh na humakot ng gintong medalya sa prestihiyosong 55th Singapore National Age Group Swimming Championships na magsisimula ngayong araw sa OCBC Aquatic Centre sa Singapore.
Masisilayan si Mojdeh sa limang events sa women’s division kung saan mapapalaban ito sa matitikas na tankers mula sa iba’t ibang bansa gaya ng powerhouse Japan at host Singapore.
Aarangakda ang 18-anyos na pambato ng Behrouz Elite Swimming Team sa 400m Individual Medley, 50m butterfly, 200m butterfly, 100m butterfly at 200m Individual Medley.
Nasa seniors division na si Mojdeh matapos ang kanyang maningning na kampanya sa juniors class.
Matatandaang nakapagpartisipa na ito sa dalawang edisyon ng World Junior Swimming Championships kung saan umabot ito sa semifinals noong 2022 edisyon sa Lima, Peru.
Kaliwa’t kanan din ang mga nahakot nitong gintong medalya sa mga regional competitions at invitational meets sa France, Australia, South Africa, United States, United Arab Emirates, Japan, China, Taiwan, Qatar at iba pang bansa sa Southeast Asia.
Sa kanyang unang pagsalang sa seniors division noong nakaraang taon, nagparamdam agad si Mojdeh kung saan nakapasok ito sa finals ng women’s 200m butterfly event sa prestihiyosong 2024 World Aquatics Swimming World Cup third leg na ginaganap din sa Singapore.
Isa sa mga target ni Mojdeh ang makapasok sa Team Philippines na sasalang sa 2025 SEA Games sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.
- Latest