Bossing dinala si Suerte sa FiberXers
MANILA, Philippines — Patuloy ang pagpapalakas ng puwersa ng Converge para sa misyong makasampa na ng Final Four sa PBA.
Matapos kapusin sa quarterfinals, sinikwat ng FiberXers si Rey Suerte mula sa Blackwater Bossing kapalit si Bryan Andrade para sa maaga nitong preparasyon sa Philippine Cup.
Aprubado na kahapon ang 1-on-1 swap ng dalawang koponan, ayon sa website ng PBA.
Kagagaling lang ng Converge sa impresibong kampanya sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup tampok ang Top 3 seed finish sa eliminations bago maubusan ng gasolina sa quarters.
Wagi ang mga bataan ni coach Franco Atienza sa Game 1 pero yumukod sa huling 2 laro upang malaglag sa kontensyon kontra sa Rain or Shine Elasto Painters.
Subalit malaking improvement pa rin ito para sa Converge na nangulelat noong nakaraang season bago makuha ang No. 1 pick na si Justine Baltazar sa PBA Draft at si Jordan Heading sa trade sa Terrafirma.
Ngayon, nagdagdag uli sila ng piyesa sa katauhan ni Suerte na produkto ng University of the East sa UAAP at siyang No. 2 pick noong 2019 PBA special draft.
Parang reunion na rin ito para kay Suerte, Heading at Baltazar na nagsama-sama na dati sa Gilas Pilipinas sa mando ni dating head coach Tab Baldwin.
Para sa Blackwater, nakakuha sila ng bagitong shooter sa katauhan ni Andrade, produkto ng Ateneo sa gabay ni Baldwin sa UAAP, at siyang No. 10 pick noong nakaraang taon.
Hindi agad nakalaro si Andrade sa PBA dahil sa knee injury pero unti-unti nang nakabalik sa porma at nakatulong sa FiberXers na inaasaahang magiging isa sa paboritong koponan sa All-Filipino Conference.
- Latest