Fighting Maroons, Lady Tamaraws maghihiwalay
MANILA, Philippines — Agawan sa pangalawang sunod na panalo ang University of the Philippines at Far Eastern University sa banggaan nila sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na lalaruin sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City, ngayong araw.
Sa alas-5 ng hapon ang simula ng labanan ng Lady Maroons at Lady Tamaraws habang magkatapat sa alas-11 ng umaga ang defending champion National University at Ateneo De Manila University.
Parehong may tig 1-0 karta ang UP at FEU matapos nilang manalo sa opening day para makasalo sa tuktok ng team standings ang Lady Bulldogs at Adamson University.
Dumaan sa butas ng karayom ang Lady Maroons ng talunin nila sa limang sets ang University of the East, 25-18, 26-24, 24-26, 13-25, 15-13 habang tinapos ng Lady Tams sa apat na sets ang Golden Tigresses, 25-19, 16-25, 25-14, 25-20.
Ibabangga ni UP head coach Bocboc Benson sina Joan Marie Monares, Kianne Louise Olango, Irah Anika Jaboneta at Nina Ytang para ilista ang inaasam na 2-0 baraha.
Ipantatapat naman ng Lady Tamaraws sina Faida Bakanke, Gerzel Mary Petallo, Jean Asis at Chenie Tagaod para manatiling malinis ang kanilang karta sa dalawang salang.
Iisa ang kanilang misyon at isa lang din sa kanila ang puwedeng maiwan sa No. 1 spot kaya asahang magiging mahigpitan ang labanan.
- Latest