Nitura umukit ng kasaysayan sa panalo ng Adamson sa Ateneo

MANILA, Philippines — Umukit ng rookie record si Shaina Nitura sa kanyang unang laro sa UAAP Season 87 wo-men’s volleyball tournament matapos akbayan ang Adamson University sa mahirap na 21-25, 20-25, 25-12, 25-15, 15-12, panalo kontra Ateneo kahapon na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagliyab si Nitura sa opensa matapos irehistro ang 33 points mula sa 28 spikes, apat na blocks at isang service ace para igapang sa panalo ang Lady Falcons at sumalo sa tuktok ng team standings na may 1-0 karta.
Binura ng 19-anyos outside hitter na si Nitura ang record na 31 points na naitala ni Angge Poyos ng University of Sto. Tomas nang kalusin nila ang University of the East nakaraang season.
Sadsad sa unang dalawang sets ang Adamson pero hindi nawalan ng loob ang San Marcelino-based squad kaya naman nakahirit sila ng deciding fifth set game.
Sinimulan ni Nitura ang mainit na laro sa set 5 nang ilista nito ang unang tatlong puntos para sa Lady Falcons bago tumulong si Nigerian wing spiker Frances Mordi upang hawakan ang tatlong puntos na bentahe, 10-7.
Hindi basta bumigay ang Ateneo, naidikit nila ang laban matapos ibaba ang hinahabol sa isa, 11-12, pero naging matatag ang Lady Falcons na sina Nitura at Mordi para selyuhan ang panalo.
Samantala, nagwagi ang defending champions National University kontra De La Salle University, 25-23, 25-21, 25-18 sa ikalawang laro.
- Latest